|
Paano
Iniluluto ang Asocena: Kasaysayan ng Pagkain ng Aso
sa Pilipinas
(Eating Dogs: A History of Dog-meat Eating in
the Philippines)
by Gloria Esguerra Melencio
Introduksyon
Kailan,
saan at paano nagsimula ang pagkain ng aso sa
Pilipinas? Usapin ba ito ng pagkakaiba ng kultura
at paniniwala sa pagitan ng mga kumakain ng aso at
ng mga hindi kumakain nito sa kasalukuyang panahon?
Ano ang implikasyon nito sa pagkamamamayang
Pilipino ng mga kasangkot sa isyu? Ito ang mga
tanong na tinatangkang sagutin sa pananaliksik na
ito.
Kung
kinakain ang karne ng kabayo sa Belgium, France at
ibang bahagi ng Europa, kinakain naman ang aso sa
ilang bansa sa Latin Amerika, China, Taiwan, Korea,
Vietnam, Thailand at Pilipinas.
Iba-iba
ang pagtingin dito ng iba't ibang kultura: Kung
inakusahan ng artistang si Brigitte Bardot ang mga
Koreano bilang "barbarians" dahil sa pagkain ng
aso, ibinalik naman ito sa kanya ni Propesor Yong
Geun Ann ng Chungcheong College ng Korea sa
pagsasabing kumakain din naman ng aso ang mga
Pranses batay sa mga nakatalang kasaysayan ng
Franco-Prussian War.[1]
Nanghihilakbot
ang mga Amerikano at iba pang lahi sa viande de
chevaline[2]
ng Belgium at ng boucheries
chevalines[3]
sa France; Gayundin ang panghihilakbot ng mga ito
sa asocena[4]
at kalderetang aso ng Pilipinas; o sa
bo-shintang[5]
at boekum[6]
ng Korea.
Bukod
sa mga Asyano, kumakain din ng aso ang ibang
kultura sa Latin Amerika. Inaalagaan umano ng mga
Aztec sa Mexico ang aso nitong may lahing
Xoloitzquintli, walang buhok na aso, upang kainin.
Mahirap nang hanapin ang lahing ito ng aso sa
kasalukuyan.[7]
Mukhang
mabigat ang kalaban ni Brigitte Bardot (nangampanya
laban sa pagkain ng kabayo hanggang sa kanyang
kamatayan) dahil laganap sa buong mundo ang pagkain
ng karne ng kabayo: mayrong pastissada (nilaga) at
pizzeti di cavallo (isinahog ang pinalambot ng paa
ng kabayo) ang mga Italyano; basashi (palamang
kabayo), yakiniku (barbecue) at baniku (skewed
horsemeat) ang mga Hapon; paardenrookvlees
(pinausukang kabayo para sa almusal) ang mga
Holandes; fondue bourguignonne (ice cream mula sa
karne ng kabayo) ang mga Swiso; o sauerbraten
(sweet-sour braised meat na karne ng kabayo ang
tradisyunal na gamit) ang mga
Aleman.[8]
Sa
Pilipinas, mabigat din ang sagutan ng mga kumakain
ng aso at ng mga hindi kumakain nito lalo na noong
naipasa ang batas na nagbabawal sa pagkakatay at
pagkain ng aso, ang Animal Welfare Act (Republic
Act 8485).
Lalo
pa itong pinaigting nang mismong si Pangulong
Gloria Macapagal Arroyo ang nagtanong kay Baguio
City Mayor Braulio Yaranon nang minsang mag-host
ang Pangulo ng hapunan sa The Mansion, kanyang
official residence sa Baguio noong pagpasok ng
Bagong Taon: "Dog meat keeps you warm, does
it?"[9]
Napunta
sa putaheng aso ang usapan nang magkuwento si Mayor
Yaranon kung paano ihawin sa La Union ang
malalaking paniking may isang metrong haba ang
pakpak.
Lumaki
si Ginang Arroyo sa Pampanga na kumakain ng mga
eksotikong pagkain tulad ng sinangag na balang,
burong talangka, tugak, kamaru at bayawak. Bagaman
at hindi siya tahasang nagsabing kumakain ng
asocena, isa sa mga espesyalidad ng Pampanga,
mababasa naman sa tanong niya ang hindi katiyakan
sa kawastuhan o hindi ng pagkain ng aso.
------------
[1]
http://wolf.ok.ac.kr/-annyg/english/e6.htm
[2]
karne ng kabayo
[3]
mga butcher shops na nagtitinda ng karne ng
kabayo
[4]
mula sa salitang Filipino aso at salitang Espanyol
na cena na nangangahulugang hapunan.
[5]
Sabaw ng aso
[6]
putaheng aso
[7]
Dog, The Other White
Meat@Everything2.com
[8]
http://e.wikipedia.org/wiki/Horse_meat
[9]
Vincent Cabreza. President Arroyo Defends Dog
Eating. Philippine Daily Inquirer, 1 January
2006, pp. A1.
1
|
2
| 3
| 4
| 5
| 6
| NEXT>
|